Sumalang na sa witness stand si Atty. Roderick Wamil, ang dating state auditor ng Commission on Audit – Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO), sa ikalabing-isang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, Lunes, Agosto 3, 2026.

Siya ang ikatlong testigo ng House Prosecution Team para sa Article I ng Articles of Impeachment na nakatutok sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Inaasahang ipapaliwanag niya kung paano sinusuri at ini-audit ng COA ang mga confidential fund, at kung paano nire-review ang mga liquidation report at kaukulang dokumento.

--Ads--

Ang kaniyang direct examination ay papangunahan ng prosecution counsel na si Atty. Lorna Kapunan.

Sinabi ni Atty. Kapunan na tutukuyin ng testigo ang 50 exhibits, acknowledgment receipts noong 4th quarter ng Office of the Vice President.

Bago ang pagtestigo ni Wamil, nauna nang sumalang ang mga dating opisyal ng Land Bank upang patunayan ang paglabas o encashment ng malalaking halaga ng pera.

Sunod namang nakatakdang tumestigo bukas, Agosto 4, ang kasalukuyang supervising auditor ng COA-ICFAO na si Celine May Del Campo.