Patuloy na nananatili sa evacuation center ang mga residenteng naapektuhan ng pagbaha sa ilang bahagi ng Dagupan City bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan at mataas na tubig.

Kabilang sa mga lumikas ang pamilya ni Marylyn Lizardo, residente ng Barangay Tapuac, na kasalukuyang nanunuluyan sa Dagupan City National High School.

Ayon kay Lizardo, dalawang araw na silang nasa evacuation center matapos mapansin ang patuloy na pagtaas ng tubig sa kanilang lugar.

--Ads--

Aniya, nagpapasalamat siya sa mga lokal na opisyal at iba pang organisasyong patuloy na nagbibigay ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga evacuee.

Gayunman, isa sa mga pangunahing problema na kanyang binigyang-diin ay ang mataas na tubig sa kanilang lugar, kung saan aniya ay mas malalim ang baha kumpara sa ibang bahagi ng kanilang barangay.

Umaasa si Lizardo na mabibigyan ng agarang solusyon ang problema sa daanan upang mas madali at ligtas na makatawid ang mga residente, lalo na ang mga senior citizen.

Aniya, isa sa kanyang mga alalahanin ang kanyang ina na isang senior citizen at nahihirapang makakilos sa gitna ng mataas na tubig.

Bukod sa sitwasyon sa kanilang mga tahanan, ibinahagi rin ni Lizardo ang ilang hamon na kanilang nararanasan sa evacuation center.

Kabilang dito ang kakulangan sa disiplina ng ilang mga bata, na aniya ay nagdudulot ng ingay lalo na sa oras ng pahinga. Hiniling din niya na mas mapanatiling malinis ang mga palikuran upang maiwasan ang pagkakasakit ng mga evacuee, partikular ng mga bata.

Sa kabila nito, sinabi ni Lizardo na sapat naman ang tulong na kanilang natatanggap mula sa pamahalaang lungsod, Philippine Red Cross at kanilang barangay.

Nagpasalamat din siya sa mga nagbibigay ng pagkain at iba pang ayuda sa mga evacuee.

Bukod sa kanilang tahanan, naapektuhan din ng sitwasyon ang kabuhayan ni Lizardo.

Bilang isang vendor, sinabi niyang halos dalawang linggo na siyang hindi nakapagtitinda dahil sa sitwasyon dulot ng pagbaha.

Sinisikap naman niyang humanap ng paraan upang maipagpatuloy ang pagtitinda at magkaroon ng kita habang nananatili sa evacuation center.

Sa ngayon, umaasa si Lizardo na agad na lulutasin ang problema sa pagbaha upang makabalik na sila sa kanilang normal na pamumuhay.

Samantala, ayon sa ulat mula sa evacuation center, nasa 66 na pamilya o 243 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa Dagupan City National High School.

Kabilang dito ang mga evacuee mula sa Barangay Tapuac at Barangay Lasip Grande.