Pinaplano ni dating Senator Antonio Trillanes IV na sampahan ng ethics complaint si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kung hindi pa ito magpakita.

Mahigit dalawang buwan na kasing nagtatago ang Senador kasunod ng ulat na mayroon ng arrest warrant laban sa kaniya mula sa International Criminal Court (ICC) bunsod ng naging papel niya sa war on drugs.

Kasunod naman ng pahayag ni Trillanes, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III, malaya ang sinumang concerned citizen na maghain ng reklamo laban sa sinumang Senador.

--Ads--

Aniya, iproproseso nila ito alinsunod sa rules ng Senado. Sa oras na na-refer na ito nang maayos, nagbibigay aniya ng update sa publiko ang Ethics Committee Chairman.

Samantala, ipinaliwanag naman ng Chairman ng Ethics Committee na si Senator JV Ejercito sakaling maghain si Trillanes kailangan ipila pa ito dahil may mga naunang ethics complaint na nakabinbin pa sa komite. Hindi pa rin aniya nabubuo ang komite dahil kasalukuyang naka-break ang Senado.

Sa ibinahagi namang mensahe ni Senator Dela Rosa kasabay ng kaniyang ika-64 na kaarawan noong Miyerkules, sinabi niyang maghihintay siya ng tamang panahon para harapin bilang isang Pilipino sakali mang mayroon talagang mga kasong inihaing laban sa kaniya. via Everly Rico