BOMBO DAGUPAN – Ang graduation day ang isa sa mga pinakaaabangang araw ng mga estudyante.
Bukod sa pagtatapos ng klase, pagdiriwang din ito sa pagkamit ng tagumpay sa pag-aaral.
Subalit hindi ganito ang naramdamdan ng isang estudyante sa China.
Noong June 20, 2024, ginanap ang pagtatapos ng mahigit 10,000 mag-aaral mula sa Fudan University sa Zhengda Stadium, Shanghai, China.
Maayos ang naging takbo ng unang bahagi ng seremonya.
Ngunit, nang dumako sa degree conferment segment, isang estudyante ang di nakapagpigil na ilabas ang kanyang matagal na kinimkim na galit.
Nang makapanhik, isang malakas na suntok sa mukha ang isinalubong ng estudyante sa isa mga propesor.
Sa lakas ng kanyang suntok, natanggal ang cap at nabasag pa diumano ang salamin ng nasabing propesor.
Nagmadali namang bumaba ang estudyante sa stage na para bang walang nangyari.
Agad na dinala sa pagamutan ang sinapak na propesor na nagtamo ng minor injuries.
Ayon sa ilang alumni, taga-Taiwan ang estudyante, at nagawa niyang manakit dahil sa labis na sama ng loob.
Nakasama raw ito sa shortlist para sa Peking Univeristy Health Schience Center master’s degree program noong Abril, pero hindi pinayagan dahil sinabi ng unibersidad na isinasailalim pa siya sa ideological and moral assessment.
Iniimbestigahan na ng Student Affairs Office at Law School staff ng unibersidad ang pangyayari.