Dagupan City – Tinawag na isang mitigation strategy ang naging galaw ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa unang araw ng confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst, tila nakatuon kasi umano ang mga ginawang depensa sa pagpapagaan ng pananagutan sa halip na maglatag ng isang malinaw at komprehensibong estratehiya.
Aniya, mas nakikitang nagre-react lamang ang kampo ng dating pangulo sa mga argumento ng prosecution sa halip na magpresenta ng sariling direksyon sa pagharap sa mga paratang.
Binanggit din ni Yusingco ang obserbasyon kaugnay ng pahayag ni Nicholas Kaufman, kung saan aniya’y kapansin-pansing wala umanong “overall strategy” ang depensa at tila tumutugon lamang sa bawat hakbang ng prosekusyon.
Samantala, inaasahang layunin ng prosecution na “magpinta ng malinaw na larawan” ng mga pangyayari at maipakita kung bakit may sapat na batayan upang ituloy sa paglilitis ang mga kaso kaugnay ng war on drugs campaign.
Tinukoy rin ni Yusingco ang tinatawag na “low hanging fruit” na umano’y estratehiya ng kampo.
Sa ilalim nito, kailangang igiit ng dating pangulo na sumunod sa due process ang war on drugs program noong panahon ng kaniyang panunungkulan, lalo na’t hindi na maitatanggi ang mga naitalang bilang ng mga nasawi sa kampanya.
Kaugnay nito, inaabangan ng publiko ang mga posibleng testigong ilalantad kaugnay ng war on drugs campaign, na inaasahang magbibigay-linaw sa mga alegasyon.
Ayon pa kay Yusingco matibay umano ang inilatag na argumento ng mga abogado ng mga biktima at mahirap itong kontrahin kung malinaw at suportado ng ebidensya.
Dagdag niya, mahalaga ang tamang pamantayan ng hustisya, at inaasahang maipapakita ito sa proseso ng ICC.










