Nilinaw ni law expert Atty. Joey Tamayo na kapag namatay ang isang taong may utang, hindi awtomatikong mananagot sa pagbabayad ang kanyang asawa, mga anak, o iba pang kamag-anak.
Sa panayam sa programang Duralex Sedlex, sinabi ni Tamayo na ang maaaring singilin ng nagpautang ay ang estate o mga ari-ariang naiwan ng yumao.
Ayon sa kanya, kung may nakabinbing kasong paniningil bago namatay ang may utang, magpapatuloy ang kaso.
Ang mga tagapagmana ang papalit bilang kinatawan ng namatay, ngunit ang babayaran ay magmumula lamang sa kanyang naiwang ari-arian.
Kung wala pang kaso nang pumanaw ang may utang, kailangang maghain ng claim ang creditor sa settlement of estate upang makasingil sa mga naiwan nitong ari-arian.
Ipinaliwanag din ni Tamayo na uunahin munang bayaran ang lahat ng utang ng yumao bago paghati-hatian ng mga tagapagmana ang natitirang ari-arian.
Gayunman, kung kulang ang halaga ng estate, hanggang doon lamang ang maaaring makuha ng mga nagpapautang.
Hindi maaaring singilin ang personal na pera o ari-arian ng mga anak o asawa kung hindi sila kasama sa kontrata ng utang.
Pinayuhan din ni Tamayo ang publiko na laging gumawa ng nakasulat na kasunduan sa pagpapautang upang mas madaling mapatunayan ang utang kung sakaling magkaroon ng legal na usapin.
Aniya, mahalaga ring kumonsulta sa abogado upang matiyak na tama ang legal na hakbang sa paniningil ng utang.










