DAGUPAN CITY- Inihayag ni US President Donald Trump na posible ang pagsali ng Estados Unidos sa kasalukuyang alitan ng Israel at Iran.
Gayunpaman, nilinaw rin niya na hindi pa sangkot ang Amerika sa kaguluhan.
Dagdag pa niya, bukas siya sa posibilidad na si Russian President Vladimir Putin ang magsilbing tagapamagitan sa gulo.
Nagpatuloy ang tensyon sa Gitnang Silangan habang muling nagsagupaan ang Israel at Iran sa mga sunud-sunod na aerial attacks na umabot na sa ikatlong araw.
Ang pagputok ng panibagong alitan ay nagsimula matapos ang biglaang pag-atake ng Israel sa isang sensitibong bahagi ng nuclear program ng Iran.
Samantala, iniulat ng Israel Defense Forces (IDF) na nagpakawala ang Iran ng mga misil patungong Israel.
Ayon sa IDF, gumagana na ang mga sistema ng depensa upang salagin ang banta.
Nagbigay na rin ng babala ang mga awtoridad sa publiko na agad na pumasok sa mga ligtas na silungan at manatili roon.