Ganap nang natukoy ang mga bagong personalidad na may kaugnayan sa pag-ambush sa convoy ni dating Governor Amado T. Espino Jr.
Ayon sa San Carlos City Police Station, batay sa pinakabagong resulta ng imbestigasyong isinagawa ng Special Investigation Task Group (SITG) Espino Jr., positibong kinilala ng mga tumayong saksi at base na rin sa mga ebidensiyang nagtuturo, kasama sa pag-plano at pamamaril sina Armando Frias, Sherwin Diaz, Ricky Arambulo, Pong Tamondong, Cezar Agbayani, Arnulfo Alipio, Raul Sison, Ernesto Frias Jr., Ronald Anthony Romero, Ernesto Agbayani, Ruseller a.k.a. “Sel”, Fidel Kalbo at limang John Does na kasalukuyang inaalam pa ang mga tunay na pagkakakilanlan.
Agad na ring nagsampa ng kasong Murder, Frustrated Murder at Attempted Murder ang City Prosecutor’s Office ng nabanggit na siyudad sa mga kinilalang sangkot sa naturang pang-a-ambush.
Samantala, patuloy pa rin ang pagkalap ng kapulisan ng mga karagdagang ebidensiya nang matukoy na rin ang iba pang sangkot sa naturang ambush.
Matatandaang Setyembre 11, 2019 naganap ang pang-a-ambush sa dating gobernador na siya ring dating PNP Director sa Region 1, sa barangay Magtaking, San Carlos City.
Kasama rin si Espino sa mga opisyal naakusahang sangkot umano sa drug matrix ng pangulong Rodrigo Duterte na hinihinalang dawit sa palitan ng droga sa loob ng New Bilibid Prison, na kinalaunan ay binawi naman at humingi ng ng public apology ang Pangulo Duterte.