Nilinaw ni Engr. Greg de Vera, chief meteorologist ng PAG -ASA Dagupan na walang kinalaman ang equinox sa pagtaas ng temperatura.
Sa ekslusibong panayam ng bombo Radyo Dagupan, sinabi ni de Vera na ang equinox ay nangyayari kapag ang sentro ng araw ay nasa itaas ng equator ng mundo.
Kaakibat ng equinox ang pantay na haba ng araw at gabi.
Ang spring equinox ay hudyat ng pagpapalit ng panahon mula taglamig patungong tagsibol at ang autumn equinox naman, tag-init patungong taglagas.
Ang equinox ay nangyayari dalawang beses kada taon, Marso 21 ang spring equinox sa Northern Hemisphere at Setyembre 23 ang Autumnal equinox.
Ibig sabihin pagdating ng March 21 ay unti-unting hahaba ang araw hanggang June 20 na siyang pinakamahabang araw sa buong taon.
Samantala, nagpaliwag din siya sa mga pag ulan na nararanasan sa hapon at gabi na tinatawag na localized thunderstorm.
Dagdag pa ni De Vera, malabong magkaroon ng heat wave sa bansa dahil ang Pilipinas ay napapaikutan ng dagat kaya napakabilis ang pagbaba ng temperatura sa bansa.
Una rito, kumalat sa social media ang isang babala hinggil sa equinox phenomenon kung saan tataas umano ang temperatura ng mahigit sa 40°C na maaring maging sanhi ng sun stroke at dehydration.
Samantala, inanunsyo ni de Vera na ilang linggo na lang ay papasok na ang habagat na hudyat ng panahon ng tag ulan sa bansa. Ito ay marararanasan sa kalagitaan o huling bahagi ng buwan ng Hunyo.