Nagdulot ng pagbaha at pagkaantala ng biyahe sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang malalakas na pag-ulan dulot ng low pressure area (LPA) na kalauna’y naging Tropical Depression Luis, bago pa man ito tuluyang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa General Santos City, isang lalaki ang nakuhanan ng video habang tumatawid sa rumaragasang tubig ng Maca River matapos ma-stranded dahil sa pag-apaw ng ilog.

Sa Negros Oriental, muntik namang matangay ng malakas na agos ng tubig ang isang bata at ilang residente habang tumatawid sa Kabanlutan River, habang iba pang komunidad ang nakaranas ng pagbaha at pag-apaw ng mga spillway.

--Ads--

Nakaranas din ng pagbaha ang ilang lugar sa Metro Manila, kabilang ang Taguig City, habang umabot din ang epekto ng pag-ulan sa Isabela.

Samantala, pansamantalang sinuspinde ng Philippine Coast Guard ang biyahe sa Catanduanes at Northern Quezon dahil sa masamang lagay ng panahon.

Mahigit 600 pasahero ang na-stranded sa mga pantalan sa Albay at Quezon.

Ayon sa PAGASA, patuloy na palalakasin ng Tropical Depression Luis ang southwest monsoon o habagat, na magdadala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon. | via Bombo John Florez