DAGUPAN CITY – Kinokontra ng Canadian Government ang pagpapataw ni U.S. President Donald Trump ng karagdagang 10 porsyentong tariff rate sa mga produktong mula sa Canada.
Ayon kay Ruth Marie Torio Magalong, Bombo International News Correspondent sa Canada, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, bilang isang consumer, nararamdaman nila ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ng mga prutas na inaangkat mula sa Estados Unidos.
May mga produkto kasi na sa US lang ang pinanggagalingan at sila lang ang puwedeng magsiupla sa kanila pero sobrang taas ng presyo.
Gayunman, ayon sa kanya, may mabuting naidulot din ito sapagkat natutunan ng mga Canadian na tangkilikin ang sarili nilang mga produkto.
Ang masaklap pa ay apektado na rin ang labor force dahil may mga nawawalan ng trabaho dito sa pangyayaring ito.
Sinabi ni Magalong na apektado rin ang US dahil walang gaanong pumapasok na importasyon mula sa Canada habang ang Canada ay naghahanap na rin ng oportunidad sa ibang bansa gaya ng UK, EU, China at Mexico na dati ay nakadirekta lamang sa Amerika.
Dagdag pa niya na maganda aniya dati ang bilateral o trade relations ng nakaraang administration dahil parang magkapatid ang US at Canada ngunit, unti unti ay nahihiwalay.
Lalo pa at may ideyang magkaroon ng ika-51 na estado ang Amerika at ito ay ang Canada.










