Nagresulta sa pag-ipon ng mga ulap at pagbuhos ng malakas na mga pag-ulan nitong nakaraang araw at sa pagsapit ng gabi ang naranasang sobrang init ng panahon at maalinsangan na kapaligiran kamakailan lamang kung saan nakapagtala ng heat index na aabot sa 48 degree celcius dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa panayam kay Engr. Jose Estrada Jr., chief meteorologist ng PAGASA Dagupan City na base sa kanilang binabantayan na weather system sa bahagi ng extreme northern Luzon ay mayroon itong stationary front na ibig sabihin ay isang uri ng panahon na nangyayari kapag may dalawang masa ng hangin na may iba’t ibang temperatura at halumigmig na nagtatagpo, ngunit hindi gumagalaw o nagbabago ng posisyon.
Sa isang stationary front, ang mga masa ng hangin ay hindi nagbabago ng posisyon, kaya ang panahon ay hindi nagbabago rin.
Aniya, ang mga ulap at ulan ay maaaring magtagal sa isang lugar, na maaaring magdulot ng mga localized thunderstorms.
Samantala, mahigpit na pinag-iingat ang publiko ngayong mainit na panahon lalo na at inaasahan pa sa mga susunod na araw ang mas mataas na heat index.