Iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na hindi gaanong matindi ang epekto ng bagyong Kiyapo sa mga lugar sa Northern Luzon na dinaanan nito.
Ito ay sa kabila ng mga serye ng pag-ulan at may kalakasang paghangin na dulot ng naturang bagyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay OCD Spokesperson, Junie Castillo, sinabi niyang minimal lamang ang epekto ng bagyo, kahit pa sa mga lugar na isinailalim sa Tropical Cyclone Signal No. 2, habang itinuturing naman ng ilan na ‘beneficial’ ang ulang ibinagsak nito sa mga sakahan.
Gayunpaman, hindi aniya maikakaila na mas malawak ang epekto ng hanging habagat na pinalakas ng bagyong Kiyapo, lalo na sa Visayas at Mindanao.
Sa mga naturang rehiyon, mayroong mahigit 30 lugar na nakaranas ng mga serye ng pagbaha at ilang araw ding nababad sa tubig-baha.
Sa mga naturang lugar, mahigit 27,000 pamilya ang natukoy na apektado.
Ayon kay Castillo, malaking tulong ang maagang deployment at mahigpit na monitoring sa mga lugar na unang natukoy na maaapektuhan ng bagyo, para mapanatili ang minimal na epekto ng mga bagyo sa alinmang lugar.
Palagi aniyang pinapatiyak ng administrasyong Marcos na agahan ang deployment sa ground level at higpitan ang pagbabantay sa itinuturing na risk areas upang maiwasan ang casualties at labis na epekto sa mga ari-arian at pasilidad.










