Welcome para sa hanay ng Federation of Free Workers ang adhikain ng mga kabataan na tahakin ang mundo ng entrepreneurship.
Ayon kay Atty. Sonny Matula, ang Presidente ng naturang organisasyon, makatutulong ang entrepreneurial initiative ng mga kabataan sa pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Malaking tulong din aniya ito sa pagbabago at pagpapaganda ng sitwasyon ng employment sa bansa.
Sa kasalukuyan, ayon aniya kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, nananatiling stable ang antas ng employment sa bansa ngunit kanila aniyang iginigiit dito na bagamat ganito ang resulta ng pag-aaral, marami pa rin sa mga manggagawang Pilipino ang naibibilang sa laylayan ng lipunan dahil sa nagiging biktima ang mga ito ng contractual arrangement.
Saad ni Matula na bawal sa batas ang Labor on Recontracting o ang pagko-contract out ng mga permanenteng trabaho sa mga kooperatiba at mga manpower agencies na sa kanila aniyang palagay ay nararapat nang masawata ng DOLE sa pamamagitan ng paggamit ng visitorial enforcement power sa ilalim ng Article ng 128 ng Labor Code.
Sa ganitong pamamaraan, maaaring puntahan ng mga kawani ng DOLE ang mga establishimento, at mga factory kung saan may trabaho upang iinspeksyon kung may mga batas bang nalalabag o nababalewala.
Kaugnay nito umaasa rin sila na magtutuluy tuloy at tumaas pa ang employment rate ng bansa sa mga susunod pang taon kaya’t hinihikayat nila ang pamahalaan na maging ambisyoso na may mangyayaring mabilis na pag-unlad ng bansa.
TINIG NI ATTY. SONNY MATULA