Tuluyan nang pinawalang-sala ng Sandiganbayan si Juan Ponce Enrile, dating Senate President at kasalukuyang Chief Presidential Legal Counsel, sa kasong graft kaugnay ng kontrobersyal na pork barrel scam.
Sa resolusyong inilabas ng Sandiganbayan, kinumpirma ang pag-absuwelto kay Enrile, pati na rin sa kanyang dating chief of staff na si Gigi Reyes.
Matatandaang noong 2015, pinayagan si Enrile ng Korte Suprema na makapagpiyansa sa kadahilanang pang-humanitarian, isang kontrobersyal na hakbang na isinulat ni dating Chief Justice Lucas Bersamin.
Sa kanilang motion for reconsideration, iginiit ng mga tagausig ang testimonya ng mga pangunahing saksi na sina Benhur Luy at Ruby Tuason.
Gayunpaman, nanindigan ang Sandiganbayan na kulang ang ebidensya upang patunayan ang sabwatan at paglustay ng pondo na kinakailangan sa isang kaso ng plunder.
Sa pagkakaabsuwelto ni Enrile, kumpleto na ang trio ng mga dating senador na nasangkot sa pork barrel scam na napawalang-sala, na kinabibilangan nina former Sen. Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrada.
Sa buong proseso, si Enrile lamang ang hindi nakaranas ng aktwal na pagkakakulong, bagkus ay nanatili sa hospital arrest bago nabigyan ng pansamantalang kalayaan.
Ngayong paglabas ng desisyon ay nasa ospital si Enrile, kung saan naka-monitor lamang siya sa pamamagitan ng video conference. //via Bombo Dennis Jamito










