Dagupan City – Inaasahang magtitipon ang humigit-kumulang 1,000 katao sa St. John the Evangelist Cathedral sa Dagupan City sa darating na Setyembre 21, alas-6 ng gabi, para sa isang prayer rally at candle lighting bilang panawagan sa pagtatapos ng katiwalian sa bansa o End Corruption Rally.
Ayon kay PLT COL Lawrence Keith Calub, hepe ng Dagupan City PNP, inaasahan na ang malaking bilang ng dadalo matapos makipag-ugnayan sa mga lider ng simbahan.
Aniya na bagama’t mas maliit ang bilang ng mga dumalo sa mga naunang rally, inaasahang mas dadagsa ngayon dahil sa bigat ng tema at sa kasabay na paggunita sa deklarasyon ng Martial Law.
Hindi na umano isasagawa ang parada o pag-ikot sa paligid ng lungsod, ngunit maglalatag pa rin ng maximum deployment ang kapulisan sa mga pangunahing intersection sa paligid ng simbahan.
Dagdag pa niya na naghanda na ng security plan ang PNP katuwang ang POSO, LGU, CDRRMO, at City Health Office upang masiguro ang kaayusan ng programa.
Tukoy na rin ang parking area sa may Teen Center upang hindi makaabala sa daloy ng trapiko.
Ayon kay Calub, walang ipapatupad na rerouting dahil sapat ang espasyo sa paligid ng simbahan, ngunit inaasahang aabot hanggang kalsada ang dami ng mga dadalo.
Naka-full alert ang mga otoridad bilang paghahanda sakaling may manggulong indibidwal o magsamantala, lalo na’t posibleng tumagal ang programa hanggang hatinggabi.
Papayagan din ang pagdalo ng mga menor de edad basta’t may kasamang magulang.
Patuloy ang panawagan ng simbahan at ng mga otoridas para sa isang mapayapang pagtitipon.