DAGUPAN CITY- Malabo pa rin na mabibigyan ng magandang trabaho ng gobyerno ang mga K+12 curriculum graduates dahil hindi tugma sa malakas na industriya ng bansa ang kanilang mga tinapos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raymond Basilio, Secretary General ng Alliance of Concerend Teachers, mahirap pa rin matugunan ang pangakong pagpapaganda sa madaling paghahanap ng trabaho kung hindi ito sisimulan sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

Aniya, simula’t sapul ay pinilit lamang na ipasok ang K+12 sa education system ng bansa.

--Ads--

Dahilan kung bakit sa bandang huli ay kinakailangan pa rin ng mga nasabing nagsipagtapos na pumasok sa kolehiyo para kahit papaano ay mas mapataas ang tsansang makahanap ng trabaho.

Marami rin at dapat din talaga na makatapos ng kolehiyo ang mga mag-aaral.

Bagaman pabago-bago kamakailan ang curriculum ng edukasyon sa bansa, hindi naman nito natutugunan ang problema sa employability sa Pilipinas at nakakaapekto pa sa pagkatuto ng mga mag-aaral.

Kaya kanilang hinihiling sa kagawaran ng Edukasyon na isama ang mga industriya at suriin ito mabuti para sa mga pagpaplano na kanilang ginagawa na programa ng edukasyon.

Bumaba man ang taon o madagdagan ang pag-aaral ng mga estudyante, wala pa rin itong silbi kung hindi naaayon sa pangangailangan ng mga mag-aaral at paaralan ang ibinibigay ng gobyerno.

Para kay Basilio, mahalagang madoble pa ang budget ng edukasyon para maibigay na ang mga nasabing mga pagkukulang.