Agaran at dali-daling inilikas si US President Donald Trump kasama ang ilang miyembro ng kaniyang administrasyon palabas ng White House Correspondents Association (WHCA) dinner sa gitna ng mga umuugong na ulat ng putukan o gunfire sa lugar.

Sa inisyal na impormasyon, nagkaroon ng biglaang tensyon sa venue na nag-udyok sa kaniyang security detail na ipatupad ang emergency protocols upang mabilis na mailayo sa posibleng panganib ang Pangulo at kaniyang gabinete.

Patuloy pang kinukumpirma ng Secret Service at ng mga lokal na awtoridad kung mayroong aktwal na pamamaril na naganap malapit sa okasyon at kung mayroong mga naitalang nasugatan o nasawi sa insidente.

--Ads--

Ang WHCA dinner ay isang taunang malaking pagtitipon sa Washington na dinadaluhan ng mga miyembro ng press na nakadestino sa White House, kasama ang mga sikat na personalidad, at mga matataas na opisyal ng gobyerno.

Dahil sa pagdalo ng Chief Executive”at ng iba pang VIPs, mahigpit na ipinapatupad ang pinakamataas na antas ng seguridad sa kaganapang ito.

Kasalukuyan pang naka-antabay ang mga mamamahayag sa mga karagdagang opisyal na pahayag mula sa White House at sa mga law enforcement agencies patungkol sa sitwasyon.