BOMBO DAGUPAN – Mahigpit na hinihimok ng Embahada ng Pilipinas sa Lebanon ang lahat ng mamamayang Pilipino na lumikas kaagad sa nasabing bansa habang nananatiling operational ang paliparan.
Ito ay dahil sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Hezbollah at Israel.
Sa inilabas na abiso ng embahada, pinapayuhan nito ang lahat ng mga Pilipino na unahin ang kanilang kaligtasan at lisanin ang bansa sa lalong madaling panahon.
Kung saan sakali mang hindi makakaalis ng Lebanon, ay pinapayuhan na mag evacuate sa mas ligtas na lugar sa labas ng Beirut, South Lebanon, at Beeka Valley.
Para naman sa tulong sa Repatriation, mangyaring punan ang repatriation form sa pamamagitan ng link na matatagpuan sa opisyal na facebook page ng Philippine Embassy in Lebanon.
Bukod dito, maari ring makipag ugnayan sa mga telepono ng embahada para sa agarang tulong.
Hinihimok ang bawat Pinoy na kumilos na at sundin ang mga tagubilin upang matiyak ang kanilang kaligtasan.