DAGUPAN CITY — “Sa mga otorisadong ahensya lamang.”


Ito ang binigyang-diin ni Christopher Flores, ang tumatayong Provincial Focal Person ng PhilSys Pangasinan sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa nagpapatuloy na distribusyon ng Philippine Statistics Authority ng electronic National ID.


Aniya na isa ang electronic ID sa mga form o porma ng National ID na maaaring gamitin na kinikilala at tinatanggap ng iba’t ibang mga ahensya sa paglalakad ng mga mahahalagang dokumento ng isang indibidwal. Ani Flores na bagamat ito ang tinatawag na printable version ng National ID, nilinaw niya na mayroon lamang mga otorisadong ahensya ang maaaring mag-imprinta ng electronic ID na naglalaman ng litrato, impormasyon, QR code at paraan upang ma-authenticate ang pagkakakilanlan ng isang rehistradong indibidwal.

--Ads--


Dagdag ni Flores na bagamat marami pa silang kinakailangang ipadalang mga plastic card ID sa mga residente ng lalawigan ng Pangasinan, aniya na ang paggamit sa printable version nito ay isang proactive na paraan ng PSA upang sa gayon ay magamit ng mga mamamayan ang benepisyo ng pagkakaroon ng National ID, gaya sa ilang mga transactions, habang hinihintay nila ang kanilang mga physiscal IDs.


Gayunpaman, idiniin ni Flores na sa mga registration offices o mula sa mga kawa ng PSA na nag-iikot na sa iba’t ibang mga barangay lamang makukuha ang original copy ng mga printable version ng National ID.

Maaari mang ipa-photocopy ang mga printable version, hindi pa rin pinapayuhan ng mga otoridad ang publiko na gawin ito dahil kailangang malinaw umano ang QR Code na nilalaman ng printed version upang magamit ito sa iba’t ibang mga transaksyon.


Maliban pa rito ay nilinaw din ni Flores na ang layunin ng digitalization ng nasabing identification card ay upang maisakatuparan at masiguado na ang mga impomasyon na nakaimprinta sa pini-prisenta nilang mga ID ay authentic at tama.


Sa ngayon ay nakapamahagi na ang ahensya ng nasa humigit kumulang 170,000 electronic IDs sa mga 44 municipalities ng lalawigan.