Sa pagbubukas ng sesyon ng Senado, pinangunahan ni Senate Committee on Youth Chairman Senator Bong Go ang isang taimtim na panalangin para sa mga biktima ng malagim na pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City nitong nakaraang Linggo.
Sa kanyang opening prayer, inihayag ni Go ang taos-pusong pakikiramay ng buong Senado sa pamilya ng mga napaslang na mag-aaral.
Ipinagdasal din ng senador na pagpalain ang buong bansa at malayo ang bawat isa, lalong-lalo na ang mga kabataan, sa anumang uri ng karahasan.
Kasabay nito, nanawagan at nanalangin din ang senador para sa kanyang mga kapwa lingkod-bayan.
Hiniling ni Go na pagkalooban ng sapat na dunong ang mga halal na opisyal ng bansa upang magampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at makahanap ng konkretong solusyon sa sunod-sunod na insidente ng karahasan sa halip na makadagdag pa sa problema.
Bago pa man ang naturang panalangin, nauna nang nanawagan si Senator Go sa pambansang pamahalaan na tiyaking mananatiling ligtas na lugar para sa lahat ng mga kabataan ang mga paaralan sa buong bansa.









