DAGUPAN CITY- ‘Back to business as usual’ na naman umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi gumawa ng tamang aksyon sa bumababang ekonomiya ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Josua Mata, Secretary General ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), hindi na bago sa mga pangulo ang hindi pag-amin sa katotohanang hindi bumubuti ang ekonomiya ng bansa.
Aniya, malinaw naman na ipinapakita ng mga nagsisitaasang bilihan at walang pagbabagong pasahod ang tunay na kalagayan ng ekonomiya ng bansa.
Kaugnay riyan, walang magandang output ang Pilipinas sa paggawa ng trabaho dahil mas marami ang hindi naman kalidad.
Sinasabayan pa ito ng lumalalang kurapsyon dahilan upang lumayo ang mga investors ngunit walang ginagawang aksyon ang pangulo.
Nararapat lamang aniya na mapanagot ang mga opisyal na hindi ginampanan nang tama ang kanilang mga tungkulin.
Kabilang na rito ang pag-usad ng impeachment case nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Giit niya, ang pagsampa ng impeachment complaint ay hindi dapat nakikitang malaking banta sa ekonomiya, kundi ang hindi pag-aksyon ng mga ito sa problema ng bansa lalo na ang pangulo.
Gayunpaman, nakikita ni Mata na walang kasiguraduhan ang mga isinalang na impeachment case laban sa pangulo dahil hindi nito naabot ang hindi bababa sa 1/3 na sumusuportang kongresista.










