Dagupan City – Binibigyang kahalagahan ng bansang Oman sa tuwing sumasapit ang Eid’l Fitr ang kahalagahan ng pagbibigayan at pagtutulungan sa kapwa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rubella Sabandal Formentera, Bombo International News Correspondent sa Oman, nakagawian na aniya ng mga taga roon ang tradisyon ng pagsasalo-salo, pagluluto ng espesyal na putahe, at pagbibigay ng “hadiya” bilang simbolo ng pagbibigayan at pagtutulungan.
At isa na nga rito ang pangunahing tradisyon na pagluluto ng baka o camel. Kung saan ang karne ay binabalot sa dahon ng saging o bagaso bago imarinade sa maanghang na pampalasa upang bigyan ito ng kakaibang linamnam.
Ibinahagi rin nito ang kahulugan ng Eid’l Fitr, na “Pista ng Pagpapaputol ng Pag-aayuno,” isang banal na pagdiriwang na sumisimbolo sa pagtatapos ng isang buwang sakripisyo ng mga Muslim sa Ramadan.
Bahagi rin ng paniniwala sa Eid’l Fitr ang pagbibigay ng “Zakat al-Fitr,” isang uri ng kawanggawa na layong tulungan ang mga mahihirap upang matiyak na lahat ay makakasalo sa kasiyahan ng pista. Nagsasagawa rin ng espesyal na panalangin sa umaga ng Eid bilang pasasalamat kay Allah at panibagong pagtalima sa pananampalataya.
Sa kabilang banda, ibinahagi rin nito ang napansin sa bansa kung saan ang mga lalaki ay pumupunta sa mosque para magdasal habang ang mga babae naman ay nananatili lamang sa kanilang tahanan.