DAGUPAN CITY- ‎Ipagdiriwang ng ating mga kapatid na Muslim ang Eid’l Adha, isa sa dalawang pinakamahalagang selebrasyon sa Islam.
Gaganapin ito sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang ang Lungsod ng Dagupan.

‎Ayon kay Imam Mobarak Abdul Cader ng Masjid Khalid Bin Alwaleed, ang Eid’l Adha ay paggunita sa sakripisyo ni Propeta Abraham sa kanyang kahandaang ialay ang anak bilang pagsunod kay Allah.

Isa rin itong okasyon ng pagkakawanggawa at pagbabahagi.

--Ads--

‎Bilang bahagi ng tradisyon, nag-aalay ng hayop ang mga mananampalataya mapa kambing o baka bilang handog kung saam ang isang kambing ay katumbas ng alay para sa isang pamilya, habang ang isang baka ay maaaring ialay ng hanggang pitong pamilya.

Mahalaga ring tiyakin na ang mga hayop ay malusog at nasa tamang kalagayan bago ialay.

‎Bilang paghahanda, hinihikayat ang lahat na magsagawa ng pag-aayuno sa Huwebes, mula bukang-liwayway hanggang sa paglubog ng araw.

Sa mismong Eid, isinasagawa ang maagang panalangin bago sumikat ang araw, kasunod ang ritwal ng pag-aalay.