Kasabay ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagbaha sa ilang lugar, muling lumitaw ang malaking problema sa basura, partikular ang mga plastic na inanod at naipon sa mga bahain. Ayon sa Ecowaste Coalition, nagpapakita ito ng patuloy na problema sa pamamahala ng basura at pagdami ng plastic pollution sa bansa.
Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng Ecowaste Coalition, kailangang siyasatin kung saan nagmumula ang malaking dami ng basurang napupunta sa mga binabahang lugar. Aniya, hindi lamang pangongolekta ang dapat tutukan kundi pati ang responsibilidad ng mga manufacturer na bawasan ang paggamit ng plastic at baguhin ang packaging ng kanilang mga produkto.
Bagama’t may mga ordinansa para sa waste segregation sa ilang lugar, iginiit ng grupo na kailangan ang mas maayos at pare-parehong pagpapatupad ng mga ito. Binanggit ang Baguio City bilang halimbawa ng lugar na may umiiral na sistema sa segregation. Nagbabala rin ang grupo na maaaring bumalik sa daluyan ng tubig ang basurang ibinabaon sa mabababang lugar, lalo na kapag muling bumaha.
Tinututulan din ng Ecowaste Coalition ang waste-to-energy facilities na gumagamit ng pagsusunog ng basura dahil sa posibilidad ng air pollution at epekto nito sa kalusugan. Nanawagan ang grupo sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas laban sa pagpasok ng basura mula sa ibang bansa, kabilang ang Basel Ban Law. Naniniwala ang grupo na kailangang tugunan ang buong waste management system, mula sa paggawa at paggamit ng plastic hanggang sa tamang segregation, koleksyon at pagtatapon ng basura.










