Dismayado ang EcoWaste Coalition matapos ang maraming piling pilgrimage sites at pampublikong lugar na napuno ng basura ngayong Holy Week, sa kabila ng paulit-ulit na panawagan ng grupo para sa tamang pagtatapon at pagpapanatili ng malinis na lugar ngayong Semana Santa.

Ayon sa grupo, naitala ang tambak ng basura sa mga pangunahing lugar ng pagdiriwang ng relihiyon, kabilang ang International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage, Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno, at Our Lady of Lourdes Grotto Shrine.

Bago magsimula ang Semana Santa, nagbigay na ang EcoWaste ng paalala sa mga deboto na itapon nang maayos ang kanilang basura. Subalit, sa kanilang monitoring, nakitang may kalat ng mga plastic bottles, food containers, at leaflets sa mga kalye at loob ng mga simbahan.

--Ads--

Tugon tuloy nang grupo na sa kabila ng paulit-ulit nilang mga paalala ”parang naging tradisyon na” ang pagkakalat ng mga Pilipino.

Gayunpaman, hinikayat ng environmental group ang lahat, lalo na ang mga pinuno ng simbahan at mananampalataya, na patuloy na itaguyod ang responsibilidad para sa ecological conversion.

Mula Maundy Thursday hanggang Good Friday, libu-libong deboto ang lumahok sa taunang ”Alay Lakad” patungong International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo, na nag-iwan ng tambak ng basura sa ruta, partikular sa Pasig, Cainta, Taytay, at Antipolo, kung saan ang Tikling Junction ay tinukoy bilang isa sa mga pangunahing hotspot ng pagkakalat.

Sa Quiapo, Maynila, nakita rin ang kalat sa mga pangunahing daanan tulad ng Quezon Boulevard at C.M. Recto Avenue sa panahon ng 13-oras na prusisyon ng Black Nazarene, na dinayo ng mahigit 500,000 deboto.

Sa Our Lady of Lourdes Grotto Shrine sa San Jose del Monte, Bulacan, nakitang puno ang mga basurahan at may kalat sa Calvary Hill at mga kalapit na picnic areas, kabilang na ang mga food containers at plastic bottles.

Batay sa monitoring ng EcoWaste, bumisita ang kanilang volunteers sa 42 simbahan sa Luzon, at napansin nilang may ilang lugar na maayos ang kalinisan dahil sa mas istriktong waste management practices. Kabilang sa mga ito ang National Shrine and Parish of the Divine Mercy at ilang simbahan sa Bataan, Batangas, Cavite, Rizal, at Metro Manila, tulad ng Santo Domingo Church, na nagpatupad ng waste segregation at regular cleanups.