Dagupan City – Nanawagan ang Ecowaste Coalition sa publiko na aktibong makibahagi sa mga aktibidad para sa kalinisan ng karagatan at baybayin, kasabay ng paggunita ng taunang Coastal Cleanup Month ngayong Setyembre.

Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng Ecowaste Coalition, layon ng taunang coastal cleanup drive na paalalahanan ang publiko sa kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan sa mga karagatan, lalo na ngayong buwan kung kailan dumarami ang mga bagyong pumapasok sa bansa.

Binigyang-diin din ni Lucero na kahit maliit na hakbang gaya ng tamang segregation at pagre-recycle ng mga plastik ay may malaking naiaambag sa kalinisan ng kapaligiran.

--Ads--

Aniya, mahalagang magkaroon ng disiplina sa pagtatapon ng basura upang hindi ito mauwi sa karagatan.

Dagdag pa niya, mahalaga rin ang seryosong pagpapatupad ng mga umiiral na ordinansa dahil kung titignan kasi aniya may mga batas na tayong ipinatutupad, pero kung hindi rin naman ito isinasagawa nang maayos, nagiging walang silbi ang mga ito.

Hinimok ng grupo ang mga lokal na pamahalaan, mga paaralan, organisasyon, at mga mamamayan na makiisa sa mga aktibidad para sa Coastal Cleanup Month bilang bahagi ng kolektibong responsibilidad para sa kalikasan.