DAGUPAN CITY – Ipinagdiriwang tuwing buwan ng Oktubre ang Breast Cancer Awareness Month kung saan ito ang pinaka-karaniwang kanser ng mga babae sa bansa.

Layon ng nasabing pagdiriwang na maitaas ang kamalayan ng bawat isa sa sakit na Breast Cancer upang maisulong ang maagang pagtuklas o early detection, masuportahan ang mga may sakit, at makalikom ng sapat na pondo para sa pananaliksik, pag-iwas at paggamot sa mga taong apektado ng sakit na ito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Glenn Joseph Soriano, US Doctor at Natural Medicine Advocate aniya na ang breast cancer ay lumalala o nagiging aktibo kapag adolescence ages. Ito rin ay dahil nagsisimula ng sumibol ang female hormones at may mga breasts cells na nagiging prone sa cancer.

--Ads--

Madalas naman itong nadedetect sa older ages dahil matagal ito bago madevelop kaya’t mainam na magkaroon ng early detection.

Kaugnay nito ay posible din na magkaroon ng naturang sakit ang mga lalaki dahil mayroon din silang kaunting estrogen subalit dahil hindi naman ito nabobombahan ng female hormones ay bihira itong mangyari.

Ilan sa mga salik na dahilan ng pagkakaroon ng nasabing sakit ay familial o may history ang pamilya sa pagkakaroon nito, irregular menstruation,hormonal imbalance gayundin ang late menopausal.

Mayroon kasing abnormal cells na siyang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng breast cancer at kapag padami ng padami ang cells na nagiging cancerous ay humahantong ito sa pagkakaroon ng nasabing sakit.

Paalala naman ni Dr. Glenn sa publiko lalo na sa mga kababaihan na magkaroon ng pro-active lifestyle, mag-ehersisyo araw-araw, pagkakaroon ng wastong nutrisyon at pag-iwas sa anumang sanhi ng stress.