Kinilala ni DOH Sec. Francisco Duque III ang Dagupan City sa bahagi ng Luzon na siyang kauna-unahang lokal na pamahalaan ang naglunsad ng COVID-19 non-hospital based vaccination.
Ito ay matapos na personal na nagtungo ang kinatawanan ng naturang kagawaran sa lungsod ng Dagupan upang masuri ang progreso ng nagpapatuloy na COVID-19 vaccination para sa medical frontliners ng lungsod.
Sa bahagi ng kaniyang pahayag ay kinumendahan nito ang pagsasagawa ng baksinasyon sa People’s Astrodome, kung saan kayang bakunahan ang nasa 400 pasyente kada araw.
Kaugnay nito ay hinihimok ni Duque ang iba pang lugar sa buong bansa na gayahin ang best practices ng siyudad nang sa gayon umano ay hindi nagkukumpulan ang mga babakunahan sa mga ospital.
Nagtungo rin ito sa Region 1 Medical Center (R1MC) upang bigyang pugay si R1MC Chief Dr. Joseph Roland Mejia sa matagumpay na COVID-19 inoculation program para sa kanilang medical frontliners.
Si Duque ay siyang nangunga rin sa pagbabakuna sa isang administrative employee at nars ng R1MC, gayundin kay Dr. Butch Ydia, Chief of Clinics ng Nazareth General Hospital.