DAGUPAN CITY- Nagbukas sa Rehiyon 1 ang kauna-unahang CARP Tindahan sa buong Pilipinas upang suportahan ang mga lokal na micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na kasapi ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Ang tindahan ay naglalayong ipakita at ibenta ang mga produkto ng mga CARP MSMEs mula sa mahigit 70 organisasyon mula sa iba’t ibang probinsya.
Ayon kay DTI Regional Director Merlie Membrere, layunin ng tindahan na masubukan ang marketability ng mga produkto at matulungan ang mga negosyante na maging competitive.
Saklaw ng programa ang pagbibigay gabay mula sa konseptuwalisasyon ng produkto, pagpaparehistro sa FDA, at tulong sa packaging at labeling.
Binanggit niya na nakapaghanda ang mga kasali sa tindahan upang masiguro ang maayos na operasyon, kabilang ang pag-alam sa operational expenses at pagtukoy ng target sales para masakop ang gastusin.
Dagdag pa niya, hindi limitado ang tulong ng DTI sa pagbebenta lamang, patuloy pa rin ang pag-develop ng produkto at pagpapahusay ng packaging, at ang tindahan ay magsisilbing showcase ng mga pinakamahusay na produkto ng mga MSMEs.
Ito aniya ay negosyo, kaya mahalaga ang tamang paghahanda at pagtutulungan.
Samantala, ipinahayag naman ni Assistant Regional Director at Pangasinan Provincial Director Natalia Dalaten ang mataas na kumpiyansa sa operasyon ng tindahan.
Binanggit niya na maganda ang lokasyon nito sa kahabaan ng National Highway at malapit sa intersection, at may karanasan na ang mga kasali sa pagpapatakbo ng mga negosyo. Ayon kay Dalaten, patuloy ang mga training, mentoring, at business counseling upang masiguro ang smooth operation ng tindahan.
Ang pagbubukas ng tindahan ay bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga CARP MSMEs, suportahan ang lokal na ekonomiya, at magbigay ng pagkakataon na makilala ang kanilang produkto sa mas malaking merkado.










