Dagupan City – Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko laban sa dumaraming insidente ng panlilinlang ng mga indibidwal na nagpapanggap bilang mga kawani ng ahensya at iba pang tanggapan ng pamahalaan upang makapasok sa mga tahanan at makapagbenta ng hindi standard at labis na mahal na LPG regulator.

Ayon kay Guillermo B. Avelino Jr., Division Chief Consumer Protection Division DTI Pangasinan, marami nang natatanggap na reklamo hinggil sa mga taong bigla na lamang pumapasok sa mga bahay, partikular sa kusina, at nagsasagawa umano ng inspeksyon sa LPG ng mga residente.

Sa kanilang modus, ipinapakita ng mga ito na delikado umano o may depekto ang kasalukuyang regulator ng mamimili at maaaring magdulot ng sunog, kaya’t pinipilit ang mga ito na bumili ng bagong regulator.

--Ads--

Ipinaliwanag ng ahensya na ang ibinebentang regulator ng mga manloloko ay umaabot pa sa halagang hanggang ₱1,000, na higit na mas mahal kumpara sa mga lehitimong regulator na mabibili sa mga tindahan.

Higit pa rito, ang mga naturang produkto ay kadalasang walang Philippine Standard (PS) mark o Import Commodity Clearance (ICC) mark, na nangangahulugang walang katiyakan na ang mga ito ay sumunod sa itinakdang pamantayan ng kaligtasan.

Binigyang-diin ng DTI na ang mga lehitimong LPG regulator ay dapat may PS mark kung gawa sa lokal, at ICC mark naman kung imported.

Ang mga markang ito ang patunay na ang produkto ay dumaan sa pagsusuri at ligtas gamitin.

Pinayuhan ang publiko na suriing mabuti ang mga markang ito bago bumili ng anumang LPG accessories.