DAGUPAN CITY- Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Office 1 na walang katotohanan ang mga ulat na nagsasabing ipinagbibili ang mga relief packs na inilaan para sa mga mamamayang naapektuhan ng mga kalamidad.
Ayon kay Regional Director Marie Angela Gopalan, ang lahat ng tulong mula sa ahensiya ay ibinibigay nang walang bayad bilang bahagi ng mandato ng DSWD na magserbisyo sa mga nangangailangan.
Sa isang panayam matapos lumabas ang ulat ukol sa pagkakaaresto ng isang negosyante sa Maynila na diumano’y nagbebenta ng DSWD-marked relief goods, mariing sinabi ni Gopalan na ang ganitong uri ng aksyon ay labag sa batas at hindi kailanman kinukunsinti ng DSWD.
Dagdag pa niya, mahigpit ang kanilang pagpapatupad ng mga patakaran sa pamamahagi ng ayuda. May sistema ng validation, monitoring, at inventory upang matiyak na makarating ang mga relief goods sa mga tunay na nangangailangan.
Ang DSWD ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) upang matiyak na maayos, patas, at mabilis na naipapamahagi ang mga ayuda, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Tinitiyak din ng ahensya na may sapat na stock ng food at non-food items sa mga regional warehouses upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga residente sa panahon ng sakuna.