Nakahanda ang Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 1 sa pamamahagi ng relief assistance sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong dahil sa masamang panahon.

Ayon kay Marie Angela Gopalan, Regional Director ng DSWD Field Office I, nakatanggap na sila ng mga request mula sa ilang local government units para sa food packs na ipamamahagi sa mga residenteng naapektuhan ng bagyo.

Umaabot naman sa 130,200 food packs ang nakahanda at nakaimbak sa iba’t ibang warehouses sa buong Region 1. Sa Pangasinan, mayroong walong warehouses na may kabuuang 10,900 food packs na nakatalaga.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Gopalan na bagama’t may nakatalagang food packs sa mga warehouses, hindi ito eksklusibo para sa mga lugar kung saan naroroon ang mga ito. Aniya, mahalagang matiyak na may accessible na warehouses para mabilis na maihatid ang ayuda sa mga lugar na nangangailangan.

Nakikipag-ugnayan din umano ang DSWD sa mga LGU na maaaring maglaan ng karagdagang warehouse, lalo na’t malaking bahagi ng kanilang kasalukuyang stockpile ay nakaimbak sa La Union.

Samantala, batay sa datos ng DSWD, nasa 772 na indibidwal na ang nasa evacuation area sa bayan ng Bani, Pangasinan, kabilang ang ilang fisherfolk na napilitang lumikas dahil sa masamang panahon.