Dagupan City – Nagbigay ng katiyakan ang Department of Social Welfare and Development na palalawakin pa ang cash assistance program para sa mga public utility vehicle drivers sa buong bansa bilang tugon sa epekto ng tumataas na presyo ng gasolina.
Ayon sa ahensya, ang unang yugto ng payout na nagsimula noong Abril 8 ay nakatuon muna sa mga tricycle driver sa iba’t ibang lungsod sa bansa, kabilang ang ilang lungsod sa Ilocos Region gaya ng Dagupan, Urdaneta, San Carlos, at iba pa.
Sinabi ni DSWD Ilocos Regional Director Marie Angela Gopalan na pilot implementation muna ito upang mas mapabuti ang sistema ng pamamahagi bago palawakin sa iba pang sektor.
Dagdag pa rito, isasama rin sa mga susunod na phase ang jeepney drivers, bus operators, TNVS drivers, at motorcycle taxi riders.
Nakikipag-ugnayan din ang DSWD sa LGUs at LTFRB para sa validation ng mga benepisyaryo at tamang iskedyul ng pamamahagi.
Tiniyak din ng ahensya na maaari pa ring makuha ng mga hindi nakasabay sa payout ang kanilang ayuda sa pamamagitan ng alternative arrangements, habang hinihikayat ang mga driver na panatilihing updated ang kanilang mga dokumento upang maiwasan ang delay.










