Itinaas na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Red Alert ang pambansang status ng kanilang disaster response habang patuloy nitong minomonitor ang matinding epekto ng Habagat sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas. Kasabay nito, itinaas din ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang kaniyang National Disaster Response Status sa pinakamataas na antas o Red Alert.

Ayon sa pinakabagong ulat ng PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang maulan na panahon sa buong Luzon at Visayas ngayong katapusan ng linggo, partikular na sa mga lugar sa Western Luzon. Bunsod nito, tiniyak ng DSWD na nakahanda ang lahat ng kanilang mga field office habang nakaposisyon na rin ang mga relief resource sa iba’t ibang rehiyon.

Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 3.4 milyong Family Food Packs (FFPs) ang nakaimbak sa mga bodega at mga strategic location sa buong bansa. Bukod dito, mayroon ding nakahandang P558.77 milyong Quick Response Fund (QRF) ang ahensya na magagamit para sa agarang tulong at disaster response.

--Ads--

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga local government unit (LGU) at iba pang kawanihan ng pamahalaan upang masiguro ang mabilis na pagpapadala ng saklolo sa mga pamilyang posibleng maapektuhan ng pagbaha, mangailangan ng paglikas, o iba pang pangangailangan.