Ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development Field Office I (DSWD FO1) ang programang Tara Basa bilang cash-for-work initiative na layong suportahan ang mahihirap na mag-aaral sa kolehiyo habang tinutugunan ang suliranin sa kakulangan sa pagbasa ng mga batang nasa mababang baitang.

Ayon kay Marie Angela S. Gopalan, Regional Director ng DSWD FO1, ang Tara Basa ay hindi isang scholarship kundi isang cash-for-work program kung saan nagsisilbing tutors ang mga benepisyaryong college students.

Ang kanilang tinuturuan ay mga mag-aaral na papasok o kasalukuyang nasa Grade 1 at Grade 2, partikular ang mga batang nahihirapang magbasa. Isinasagawa ito sa pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd), na siyang tumutulong sa pagtukoy at pagmonitor sa mga batang nangangailangan ng tutoring.

--Ads--

Ang pangunahing beneficiaries ng programa ay ang mga college students na kulang sa financial support.

Mula sa mahigit 1,000 beneficiaries noong nakaraang taon, umabot na sa humigit-kumulang 3,000 ang bilang nito sa kasalukuyan.

Sa ilalim ng programa, bawat tutor ay nakatalaga sa limang bata.

Bukod dito, may tinatawag ding youth development workers na binubuo ng mga magulang na ginagabayan upang masuportahan ang pagkatuto ng kanilang mga anak kahit matapos ang programa.

Ang isang youth development worker ay nakatuon sa sampung magulang.

Isinasagawa ang 20 session days ng tutoring, karaniwang tuwing bakasyon tulad ng tag-init, na tumatagal ng dalawa hanggang apat na oras depende sa schedule, at mas mahaba tuwing weekend.

Layunin nitong matiyak na magpapatuloy ang suporta sa pagkatuto ng bata kahit matapos ang serye ng session.

Bilang cash-for-work program, tumatanggap ang mga college student-tutors ng arawang bayad batay sa umiiral na minimum wage rate, na humigit-kumulang P550 kada araw, na minumultiply ayon sa bilang ng kanilang session days.

Sa pamamagitan ng Tara Basa, pinagsasabay ng DSWD FO1 ang pagtulong sa edukasyon ng kabataan at ang pagbibigay-suporta sa mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong pinansyal.