Dagupan City – Nagpaabot na ng agarang tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 1 sa pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa gitna ng kaguluhan sa Israel at Iran.
Ayon kay Emil Cabudoy, Social Welfare Officer III ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region, nakapagbigay na ang ahensya ng P10,000 paunang tulong pinansyal sa pamilya ni Mary Anne De Vera, isang OFW sa Israel na kabilang sa mga naapektuhan ng nasabing sigalot.
Dagdag pa ni Cabudoy, nakabinbin pa ang burial assistance at iba pang karagdagang tulong na maaaring ibigay sa naulilang pamilya upang makatulong sa kanilang pangangailangan sa gitna ng pagdadalamhati.
Bukod dito, magbibigay rin ang DSWD ng psychosocial support sa pamilya upang matulungan silang makayanan ang biglaang pangyayari.
Sa kasalukuyan, patuloy na nakikipag-ugnayan ang DSWD sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang matukoy ang iba pang tulong na maaaring ipagkaloob sa mga OFW na na-repatriate o nakabalik na sa bansa mula sa Israel.
Ipinaliwanag din ni Cabudoy na parehong makatatanggap ng tulong ang mga documented at undocumented OFWs, kaya hindi dapat mangamba ang mga ito dahil pantay ang serbisyong ibibigay ng pamahalaan sa kanila.










