Nananatiling ‘manageable’ ang drug situation dito sa buong lalawigan ng Pangasinan.
Ito ang inihayag sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dexter Sayco, Team Leader ng PDEA Pangasinan kung saan sinabi rin nito na paisa-isa na lamang ang nahuhuli ng kanilang hanay na sangkot sa iligal na droga.
Mababatid na mula July 1, 2016 hanggang Hunyo ngayong taon, nasa 3, 157 na operasyon na ang nagawa ng awtoridad kung saan 3, 390 na drug pusher ang naaresto at 20, 459 naman ang sumuko sa pulis. Sa nabanggit na bilang ng mga sumuko, nasa 17, 473 dito ang sumailalim na sa recovery at wellness program.
Aniya, nananatiling hindi apektado ng iligal na droga ang bayan ng Sto. Tomas habang hinihintay na lang din ng bayan ng Basita ang deklarasyon nito bilang drug free.
Samantala, under validation pa rin ang syudad ng Dagupan at bayan ng San Quintin habang naendorso na para sa deklarasyon ang mga bayan ng Pozorrubio, Bani, Manaoag, San Fabian, Umingan, Sual, Infanta, Balungao, Binmaley at syudad ng San Carlos.
Binanggit din ni Sayco na nakahold ang deklarasyon ng mga bayan ng Bolinao, Asingan at lungsod ng Urdaneta dahil may mga personalidad din aniya dito na kabilang sa drug list ng Pangulong Rodrigo Duterte. with reports from Bombo Badz Agtalao