DAGUPAN, CITY— Arestado ang isang driver matapos tangkang barilin ang katrabaho sa mismong bahay ng alkalde ng bayan ng San Manuel.
Kinilala ang suspek na si Tomasito Sabater, 43 anyos na driver at residente ng Brgy. Guiset Sur sa bayan ng San Manuel habang ang biktima naman ay ang mismong alkalde ng bayan na si Mayor Kenneth Marco Perez, 30 anyos at Rory Pahayahay MNU, 21 anyos na helper, mga residente ng Brgy. Guiset Norte.
Batay sa impormasyon mula sa San Manuel PS, nagtungo ang suspek sa bahay ng alkalde at uminom ng alak sa may kubo nang walang pahintulot mula sa alkalde at kalaunan ay pumasok sa isa sa mga silid na matatagpuan sa ground floor kung saan kinuha ng suspek ang cal. 40 pistol na pagmamay-ari ng alkalde.
Hinamon ng suspek ang mga katrabaho nito at tinangkang barilin si Rory Pahayahay ngunit maswerte itong hindi nasugatan dahil tumama ang bala sa kaliwang ibabang bahagi ng likurang pintuan ng puting nissan nv350 van ng alkalde. Wala namang ibang nasugatan sa insidente.
Ginalugad ng mga rumespondeng tauhan ng San Manuel PNP ang lugar at naaresto ang suspek kung saan nakuha ang isang basyo ng bala ng caliber 40 pistol na baril.
Naipresenta naman ng alkalde ang mga kaukulang dokumento ngunit mananatili pa rin ang narekober na baril sa kustodiya ng San Manuel PS para sa dokumentasyon at prosecution exhibit bago ang pagsasagawa ng ballistic examination.
Sa ngayon, nahaharap sa kasong Attempted Homicide at Malicious Mischief ang naarestong suspek. (with report from: Bombo Everly Rico)