DAGUPAN CITY- Nasawi ang driver at sakay ng isang motor tricycle o kulong kulong matapos na bumangga ito sa isang poste ng kuryente sa bayan ng Anda.
Ayon sa naging panayam kay Police Master Sergeant Maximiano Untalan Jr, ang siyang duty investigator ng Anda Muncipal Police Station na nangyari ang aksidente noong ala-una bente ng hapon sa kahabaan ng Brgy. Dolaoan sa nasabing bayan kung saan minamaneho ni Danny Dulay Ocumen, 59-anyos, residente ng Macandocandong ang isang tricycle habang sakay nito ang kanyang kaibigan na si Joel Cerdan Corpuz, 44-anyos at reisdente naman ng Brgy. Awile sa kaparehong bayan.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad na binaybay ng dalawa ang daan pauwi sa kanilang tahanan nang mayroon silang nadaanan na pakurbang daan at nagkamali ang drayber sa pagtantiya ng kalsada at lumampas, na nagdulot ng pagbangga sa konkretong poste ng kuryente. Dagdag pa aniya na parehong lango sa alak naman ang dalawa.
Kung kaya’t bilang resulta, parehong nagkaroon ng malubhang pinsala sa ulo ang drayber at pasahero. Idineklarang dead on arrival ang driver habang ang sakay nitong kaibigan ay nagawa pang gamutin ngunit kalaunan ay binawian din ito ng buhay.