Nakikitang pangunahing solusyon sa matagal nang problema ng pagbaha sa lalawigan ng Pangasinan ang dredging sa bukana ng mga pangunahing ilog gaya ng Cayanga River at Agno River.
Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaha ay ang siltation o pagka-ipon ng sediment gaya ng putik sa ilalim na nagdudulot ng pagbababaw ng ilog, kaya mas kaunti na lang ang kapasidad nito na magdala ng tubig, lalo na sa panahon ng malalakas na ulan.
Dahil dito ay kinakailangan na itong idraga bilang bahagi ng river rehabilitation program.
Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang nasabing programa noong taong 2024.
Layunin nitong ayusin at ibalik ang carrying capacity ng mga ilog upang muling maayos ang daloy ng tubig, lalo na tuwing tag-ulan.
Paliwanag pa ni Lambino, hindi simpleng quarrying lamang ang gagawin.
Magkaiba aniya ang quarrying sa river rehabilitation, dahil mas masusing pag-aaral at proseso ang kinakailangan sa rehabilitasyon ng mga ilog.
Dagdag niya, ang proyekto ay isang pang matagalang hakbang dahil magsisimula sa bukana ng Agno River na may habang 112 kilometro mula sa bayan ng San Manuel hanggang Limahong.
Samantala, pinag-aaralan na rin ang pangangailangan ng rehabilitasyon din sa iba pang ilog gaya ng Sinukalan, Marusay at Pantal River Systems upang matugunan ang problema.