BOMBO DAGUPAN- Arestado na ng mga kapulisan ang tumakas na drayber ng isang mixer truck na nakabangga sa mag-lola sa bahagi na Alver Street Poblacion, sa bayan ng Lingayen sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pol.Lt.Col. Wilmer Pagaduan, chief of police ng Lingayen Police Station, bumuo sila ng team para tumugis sa drayber at sa loob ng anim na oras ay nahuli ito sa lungsod ng San Carlos.
Agad na natunton ang drayber matapos na tukuyin ng isang pahinante ang pagkakilanlan nito na si Melicio Elefanio Delos Santos, 45-anyos, drayber, at residente ng Brgy. Pangpang, San Carlos City.
Saad ng hepe, base sa salaysay ng driber ay nabigla siya sa pangyayari at muntik na rin niyang kitilin ang sariling buhay dahil sa pangyayari. isinailalim ito sa pagsusuri at negatibo naman ito sa alcoholic test.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP ang suspek at nahaharap sa kaokolang kaso.
Matatandaan na tinutungo ng biktima na si Guillerma Pidloan Muñez, 50-anyos, residente ng Basista Pangasinan, kasama ang kanyang apo ang kanilang nakaparadang sasakyan Sa kabilang kalsada nang sakto namang paparating ang mixer truck at aksidenteng nabangga ang nakaparadang sasakyan na pagmamay-ari ng biktima, na siya namang pasakay na sa kanilang sasakyan.
Dahil sa lakas ng impact ay tumilapon ang nasabing sasakyan ng biktima, habang ang mag lola naman ay napadapa sa kalsada.
Ngunit sa kasawiang palad ay nagulungan ng mixer truck ang matanda, habang hindi naman nahagip ang bata.
Matapos ang insidente ay kaagad namang tumakbo at tumakas ang drayber na naturang truck at iniwan ang kanyang kasamang pahinante.
Base sa naging salaysay ng isang pahinante, pauwi na sila sa kanilang bodega nang mangyari ang aksidente.
Saad nito na bigla na lamang napansin ng kanyang kasamahan na nawalan na pala ng preno ang minamanehong truck na nagresulta sa trahedya.