DAGUPAN CITY — Sa panayam kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng Department of Health Center for Health Development Region I, ipinaliwanag niya na ang pag-aayuno o fasting, kung isinasagawa nang tama, ay maaaring magdulot ng mga positibong pagbabago sa metabolismo ng katawan.
Ayon kay Bobis, kabilang sa mga benepisyo nito ang pagbabawas ng timbang at taba sa katawan, pagbuti ng metabolic health, at pagtaas ng insulin sensitivity na kalaunan ay nakatutulong upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng diabetes.
Ipinapakita rin ng ilang pag-aaral na ang tamang fasting ay nakapagpapabuti ng cardiovascular markers gaya ng pagpapababa ng presyon ng dugo. Bukod dito, maaari rin itong makatulong sa pagpapalinaw ng pag-iisip at pagpapabuti ng cognitive function at focus.
Gayunman, iginiit niya na ang mga benepisyong ito ay makakamit lamang kung tama at maayos ang pagsasagawa ng fasting.
Upang matiyak ang wastong pag-aayuno, inirekomenda ni Bobis na kumonsulta muna sa isang nutritionist o lisensyadong Doktor bago magsimula ng fasting o anumang diet regimen. Aniya, maaaring epektibo ang isang uri ng fasting sa isang tao ngunit hindi ito angkop para sa iba. Sa pamamagitan ng tamang gabay, masisiguro na ang layunin ng fasting ay mapabuti ang kalusugan at hindi ito mauwi sa kapahamakan.
Binalaan din niya ang publiko na maaaring magdulot ng negatibong epekto ang maling pag-aayuno. Isa sa mga posibleng komplikasyon ay ang hypoglycemia o labis na pagbaba ng blood sugar, na kapag naging malala ay maaaring humantong sa pagkawala ng malay o coma. Dahil dito, mahalagang sumunod sa wastong paraan at may tamang gabay ang pagsasagawa ng fasting.










