Nagpahayag ng pagkadismaya si Department of Public Works and High Ways Sec. Vince Dizon sa pagkaantala ng konstruksyon ng Sto. Tomas-Villasis Bridge sa Pangasinan sa kanyang pagbisita ngayong araw.

May haba ang tulay na kabuuang haba na 3.920 kilometro, kasama na ang mga kalsada.

Layunin nito na ikonekta ang Villasis Bypass Road at ang munisipalidad ng Sto. Tomas.

--Ads--

Nagsimula ang konstruksyon nito noong 2018 ngunit dahil sa nahahati-hating pondo kaya hindi pa ito natatapos hanggang ngayon kung saan tumagal na ng halos 8 taon.

Tinatayang nasa mahigit 920 milyong piso na ang nagamit na budget ngunit kailangan pa ng mahigit 1 bilyong piso upang tuluyan itong matapos.

Ayon kay Sec. Dizon, inuutusan siya ng Pangulo na maglibot sa bansa upang matukoy ang mga nakatiwangwang na proyekto.

Ikinalungkot ng Pangulo aniya na maraming proyekto sa buong bansa ang ganito.

Dagdag pa niya, ito ang inis ng Pangulo—ang may mga sinisimulang proyekto ang gobyerno, ang DPWH, na hindi naman tinatapos.

Sa halip na pondohan nang todo upang matapos at mapakinabangan ng mga mamamayan, hindi ito binibigyan ng sapat na pondo.

Kaya naman, tiniyak ni Sec. Dizon ang commitment ni PBBM na tapusin ang proyekto kung saan nagbigay siya ng deadline na Disyembre 2027 para matapos ang tulay upang magamit na ng mga residente sa lugar at karatig bayan.

Samantala, buong pusong nagpasalamat si Gobernador Ramon “Monmon” Guico III sa pangako ni DPWH Secretary Vince Dizon na tapusin ang mga kasalukuyan at planong proyekto sa imprastraktura sa Pangasinan lalo na sa ginagawang tulay sa bayan ng Villasis na dumudugtong sa bayan ng Sto. Tomas.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Guico ang kahalagahan ng commitment mula sa kalihim na tapusin ang mga proyekto, kabilang ang mga bypass road at mahahalagang tulay sa buong lalawigan.

Tinatayang aabot sa 7.5 bilyong piso ang kabuuang halaga ng mga proyektong ito, na malaki ang maitutulong sa 3.2 milyong residente ng Pangasinan at sa milyon-milyong bisita taun-taon.

Ayon kay Guico, napakahalaga ng mga proyektong ito para sa pangmatagalang paglago ng lalawigan at nagpasalamat siya sa kalihim at sa Pangulo para sa kanilang suporta.

Bukod pa rito, binisita rin ng Kalihim ang Binalonan-Laoac-Villasis Diversion Road at Dagupan-Mangaldan Diversion Road upang tiyakin na matatapos ang mga ito para sa kapakinabangan ng mga Pangasinense.