Mariing pinabulaanan ni Regional Director Ronnel Tan ng DPWH Regional Office 1 na ang mga alegasyon ng anomalya o ghost project sa mga proyekto sa flood control sa region.

Matatandaan na ibinunyag ni Senador Ping Lacson na wala sa original National Expenditure Program ang mga proyekto sa probinsiya ng La Union ngunit bigla itong isinama sa General Appropriations Act (GAA).

Mula sa orihinal na PHP 100 milyon, lumobo ang pondo para sa flood control sa PHP 967 milyon para sa Naguilian at PHP 623 milyon para sa Bauang.

--Ads--

Ayon kay Tan, lahat ng proyekto ay kanilang minomonitor at walang ghost flood control project sa ginagawa sa rehiyon.

Samantala, tuloy-tuloy ang pagsasaayos at pagpapalakas ng slope protection project sa Tondaligan, Dagupan City matapos itong masira ng malalakas na alon at storm surge na dala ng mga nagdaang habagat.

Binanggit ni Dir. Tan, hindi tinipid ang proyekto, subalit naapektuhan ito ng matinding kalamidad na nagdulot ng pinsala.

Aniya, saklaw ng limang taong warranty period ang mga flood control projects ng DPWH.

Nagkaroon ng re-design ng naturang proyekto gamit ang sheet pile, na wala sa orihinal na plano kung saan ang pondo ay mula sa calamity fund para maipagpatuloy ang konstruksyon.

Panawagan naman ni Tan sa publiko na huwag basta maniwala sa maling impormasyon hinggil sa flood control projects sa lalawigan.