Dagupan City – Binigyang-diin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 1 ang kahalagahan ng maayos na mga kalsada para sa kaligtasan ng mga motorista.

Ayon kay Engineer II Recy Joy P. Bello ng DPWH Regional Office 1, ang maayos na mga kalsada ay nagdudulot ng mas ligtas at matiwasay na paglalakbay, na siyang nagpapababa ng bilang ng mga aksidente sa daan.

Aminado si Engr. Bello na may mga pagkakataon na ang mga kalsada mismo ay nagiging sanhi ng aksidente, ngunit aktibo ang kanilang ahensya sa pagkukumpuni at pagpapanatili ng mga ito.

--Ads--

Kasama na rito ang pagbibigay pansin sa mga kakulangan, tulad ng mga sira o nawawalang signages, na agad nilang pinapalitan.

Samantala, inihayag naman ni Engineer II David Magno ng DPWH Pangasinan III District Engineering Office na nakatuon ang kanilang ahensya sa lahat ng aspeto ng industriya ng paggawa ng kalsada, mula sa pagpaplano hanggang sa pagpapatupad at pagtatayo.
Para kay Engr. Magno, ang maayos na mga kalsada ay susi sa pag-unlad ng ekonomiya.

Bagama’t aminado din siyang ang kalagayan ng kalsada ay isa sa mga maaaring sanhi ng aksidente (tulad ng mga madulas o sira-sirang kalsada) ngunit hindi naman ito palagi ang kaso.

Pinaaalalahanan din ng DPWH ang publiko na sumunod sa mga batas trapiko, igalang ang ibang motorista, maging mapagmatyag sa paligid (bilang motorista man o pedestrian), at kilalanin ang mga posibleng sanhi ng aksidente upang maiwasan ang mga ito. (Oliver Dacumos)