Ipinaliwanag ng DPWH Pangasinan 3rd District Engineering Office na lahat ng proyektong isinasagawa ng mga kontratista sa distrito ay may tinatawag na warranty period.
Bahagi ito ng mga hakbangin ng ahensya upang matiyak ang kalidad ng mga imprastraktura at mapanagot ang mga kontratista sa anumang depekto na maaaring lumitaw pagkatapos ng proyekto at upang hindi na muling gumastos ang gobyerno sakaling may masirang imprastruktura gaya ng bitak sa kalsada, sira sa drainage, o pagguho ng slope protection.
Batay sa DPWH Department Order No. 56, s. 2020, may 1-taong defect liability period ang mga kontratista mula sa opisyal na pagtanggap ng proyekto.
Sa panahong ito, obligado silang ayusin agad ang anumang sira na makitaan sa proyekto.
Ayon kay Engr. Maria Venus Torio ang District Engineer sa nasabing opisina na pagkatapos ng defect liability period ay magsisimula naman ang mas mahabang 5-taong warranty period para sa mas malalim na istruktural na integridad sapagkat may pananagutan parin ang mga kontratista kahit natapos na o nabayaran na ng gobyerno ang proyekto.
Sa mga lumabag dito ay maaaring ma-blacklist o multahan ang mga kontratistang palpak sa warranty period batay sa Contractors’ Performance Evaluation System.
Samantala, ang Government Procurement Reform Act (RA 9184) ang nagtatakda ng mas pangkalahatang patakaran sa procurement, kabilang ang responsibilidad ng kontratista sa warranty period.
Maituturing namang force majeure ang naranasan na tuloy-tuloy na pag-ulan na nakaapekto sa mga proyekto kaya pinapakiusapan na lamang ang mga kontratista na ayusin na walang dagdag na bayan mula sa gobyerno ngunit nakadepende sa epekto nito o kung may pondo ilalaan ang ahensya kung saan ayon kay Engr. Torio sa kanilang nasasakupan ay madali namang tumutugon ang mga kontratista para sa serbisyo publiko.