Naglabas na ng cease-and-desist order ang Department of Public Works and Highways o DPWH laban sa mga umano’y ilegal na reclamation project sa bahagi ng Laguna de Bay sa Taguig City.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, ipinalabas ang kautusan noong Agosto 20, alinsunod sa direktiba ng Office of the President sa pamamagitan ng Philippine Reclamation Authority o PRA, at agad itong ipinatupad.
Kasunod ito ng mga isiniwalat ni Senator Panfilo “Ping” Lacson hinggil sa umano’y ilegal na reclamation activities sa Taguig, kabilang ang mga lupang may kuwestiyonableng titulo.
Sinabi ni Dizon na nakatakda ring makipagpulong ang DPWH sa mga stakeholder, kabilang ang Taguig City government, PRA at Laguna Lake Development Authority, upang talakayin ang mga susunod na hakbang.
Nauna nang sinabi ni Lacson na may apat na parsela ng ilegal na ni-reclaim na lupa na natukoy na may umano’y fraudulent na titulo at nakatakdang iakyat sa Office of the Ombudsman para sa imbestigasyon.
Ayon kay Lacson, ang mga lupang ito ay may lawak na mula 5,000 hanggang 193,027 metro kuwadrado. VIA Bombo Angelo Aganan










