Dagupan City – Ibinahagi ni Regional Director Evangeline Marie M. Dadat ng Department of Tourism (DOT) Region I ang mga kasalukuyang hakbang at inisyatibo ng ahensya upang mas mapalawak ang turismo sa rehiyon.
Ayon kay Dir. Dadat, bahagi ng kanilang adbokasiya ang pagsusulong ng eco-tourism sa mga lalawigan ng rehiyon, kabilang ang paglalagay ng mga ibon sa protected areas sa bayan ng Mangatarem, Pangasinan, upang mapangalagaan ang biodiversity at sabay na maakit ang mga nature lovers at birdwatchers.
Dagdag pa rito, tinututukan din ng DOT Region I ang promosyon ng lokal na pagkain at kultura.
Kabilang dito ang pagpapakilala ng mga kakanin at tradisyunal na pagkain mula sa mga bundok, na isa sa mga paraan upang mapalalim ang interes ng mga turista sa kultura ng Ilocos Region.
Para mas mapalaganap naman ang kaalaman ukol dito, iniimbitahan na rin ng ahensya ang mga vloggers at content creators upang maging viral ang mga natatanging lokal na karanasan sa rehiyon.
Hindi rin pahuhuli ang sports tourism kung saan kilala ang rehiyon, partikular ang La Union, bilang surfing capital ng hilagang Luzon.
Ayon sa datos, libu-libong turista ang bumibisita taun-taon para maranasan ang alon ng San Juan at iba pang beach spots sa lalawigan.
Pinalalakas din ng DOT Region I ang religious or pilgrimage tourism, kung saan binibigyang halaga ang mga makasaysayang simbahan at dambana tulad ng Minor Basilica of Our Lady of Charity sa Agoo, La Union at Our Lady of Manaoag sa Pangasinan na dinarayo ng mga deboto mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kaugnay nito, binibigyang pansin din ng ahensya ang kalidad ng accommodation sa rehiyon. Ayon kay Dir. Dadat, patuloy ang pagsusuri at pag-accredit ng mga hotel, resorts, at iba pang pasilidad upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa pamantayang itinakda ng DOT.
Bilang bahagi ng hakbang na ito, nagsasagawa ang ahensya ng mga training, seminars, at capacity-building activities upang matulungan ang mga lokal na negosyante at manggagawa sa sektor ng turismo na mapabuti ang kanilang serbisyo.