DAGUPAN CITY– Aminado si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, na malaki ang ibinagsak sa kita sa Turismo sa Region I dahil sa pagtuloy pa ring umiiral na quarantine partikular na sa NCR bubble plus.
Paliwanag ni Puyat sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan na karamihan kasi aniya sa mga bumibisita o nagtutungo sa Rehiyon sa mga lugar na pinupuntahan sa Region I tulad na lamang sa Pangasinan kapag sumasapit ang holyweek at summer ay talagang nabawasan kayat apektado ang kita ng turismo na umaabot ng 92 percent.
Marami ang nawalan ng trabaho bagamat nakapagbigay na rin sila ng tulong sa mga ito tulad na lamang sa mga tour guide.
Pero sa kabila nito ay naniniwala si Puyat na unang makakabangon ang sektor ng turismo lalo’t base sa kanilang mga survey , ang pagtungo sa ibang lugar o pamamasyal ang nais ng mga Pilipino kapag tuluyan nang naging bukas ito sa publiko.
Pinuri rin nito si DOT Region I Director Jeff Ortega dahil sa magandang mga ginagawa nito upang mapabalik ang sigla ng turismo sa rehiyon.Dagdag pa ni Puyat na napakaganda ng Region I kabilang na ang Pangasinan kayat naniniwala itong agad makakabawi sa pagkalugi sa panahon ng pandemya.
Nanawagan naman si Puyat na kapag magtutungo sa mga pook pasyalan dapat pa ring pairalin ang mga health standard para makaiwas sa pagkakaroon ng covid 19 outbreak.